Passo 168

Estude

     

Mga Awit 49

1 Dinggin ninyo ito, ninyong lahat na mga bayan; pakinggan ninyo, ninyong lahat na nananahan sa daigdig:

2 Ng mababa at gayon din ng mataas, ng mayaman at ng dukha na magkasama.

3 Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan; at ang pagbubulay ng aking puso ay magiging sa pagunawa.

4 Ikikiling ko ang aking panig sa talinghaga: ibubuka ko ang aking malabong sabi sa alpa.

5 Bakit ako matatakot sa mga kaarawan ng kasamaan, pagka kinukulong ako ng kasamaan sa aking mga sakong?

6 Silang nagsisitiwala sa kanilang kayamanan, at nangaghahambog sa karamihan ng kanilang mga kayamanan;

7 Wala sa kaniyang makatutubos sa ano pa mang paraan sa kaniyang kapatid, ni magbibigay man sa Dios ng pangtubos sa kaniya:

8 (Sapagka't ang katubusan ng kanilang kaluluwa ay mahal, at ito'y naglilikat magpakailan man:)

9 Upang siya'y mabuhay na lagi, upang siya'y huwag makakita ng kabulukan.

10 Sapagka't nakikita niya na ang mga pantas ay nangamamatay, ang mangmang at gayon din ang hangal ay nililipol, at iniiwanan ang kanilang kayamanan sa mga iba.

11 Ang kanilang pagiisip sa loob ay, na ang kanilang mga bahay ay mananatili magpakailan man, at ang kanilang mga tahanang dako ay sa lahat ng sali't saling lahi; tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.

12 Nguni't ang tao'y hindi lalagi sa karangalan: siya'y gaya ng mga hayop na nangamamatay.

13 Itong kanilang lakad ay kanilang kamangmangan: gayon ma'y pagkatapos nila ay sinasangayunan ng mga tao ang kanilang mga kasabihan. (Selah)

14 Sila'y nangatakda sa Sheol na parang kawan; kamatayan ay magiging pastor sa kanila: at ang matuwid ay magtataglay ng kapangyarihan sa kanila sa kinaumagahan; at ang kanilang kagandahan ay mapapasa Sheol upang matunaw, upang mawalan ng tahanan.

15 Nguni't tutubusin ng Dios ang aking kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol: sapagka't tatanggapin niya ako. (Selah)

16 Huwag kang matakot pagka may yumaman. Pagka ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumago:

17 Sapagka't pagka siya'y namatay ay wala siyang dadalhin; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang susunod sa kaniya.

18 Bagaman habang siya'y nabuhay ay kaniyang pinagpala ang kaniyang kaluluwa, (at pinupuri ka ng mga tao pagka gumagawa ka ng mabuti sa iyong sarili),

19 Siya'y paroroon sa lahi ng kaniyang mga magulang; hindi sila makakakita kailan man ng liwanag.

20 Taong nasa karangalan, at hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay.

Mga Awit 50

1 Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.

2 Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.

3 Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.

4 Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan:

5 Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.

6 At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah)

7 Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita; Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo: Ako'y Dios, iyong Dios.

8 Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain; at ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko.

9 Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan.

10 Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin, at ang hayop sa libong burol.

11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok: at ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin.

12 Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo: sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito.

13 Kakanin ko ba ang laman ng mga toro, o iinumin ang dugo ng mga kambing?

14 Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat: at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan:

15 At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan; ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako.

16 Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig?

17 Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.

18 Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya, at naging kabahagi ka ng mga mapangalunya.

19 Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan.

20 Ikaw ay nauupo, at nagsasalita laban sa iyong kapatid; iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina.

21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y tumahimik; iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo: nguni't sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata.

22 Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas:

23 Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin; at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios.

Mga Awit 51:1-9

1 Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.

2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.

3 Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.

4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.

5 Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,

6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap; at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.

7 Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.

8 Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan; upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.

9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.