1
Si Ezechias ay nagpasimulang maghari nang siya'y dalawangpu't limang taon: at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abia na anak ni Zacharias.
2
At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.
3
Siya'y nagbukas sa unang taon ng kaniyang paghahari, na unang buwan, ng mga pinto ng bahay ng Panginoon, at mga hinusay.
4
At kaniyang ipinasok ang mga saserdote at mga Levita, at pinisan sila sa maluwang na dako sa silanganan,
5
At sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga Levita; ngayo'y mangagpakabanal kayo, at italaga ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.
6
Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.
7
Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsipagsunog ng kamangyan ni nagsipaghandog man ng mga handog na susunugin sa dakong banal sa Dios ng Israel.
8
Kaya't ang pagiinit ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ibinigay niya sila upang hamakin saa't saan man, upang maging katigilan, at kasutsutan, gaya ng inyong nakikita ng inyong mga mata.
9
Sapagka't narito, ang ating mga magulang ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalake at babae at ang ating mga asawa ay nangasa pagkabihag dahil dito.
10
Nasa akin ngang puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Dios ng Israel, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa atin.
11
Mga anak ko, huwag kayong mangagpabaya: sapagka't pinili kayo ng Panginoon upang magsitayo sa harap niya, upang magsipangasiwa sa kaniya, at kayo'y maging kaniyang mga tagapangasiwa, at mangagsunog kayo ng kamangyan.
12
Nang magkagayo'y nagsitindig ang mga Levita, si Mahath na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias sa mga anak ng mga Coathita: at sa mga anak ni Merari, si Cis na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehaleleel: at sa mga Gersonita, si Joah na anak ni Zimma, at si Eden na anak ni Joah:
13
At sa mga anak ni Elisaphan, si Simri, at si Jehiel: at sa mga anak ni Asaph, si Zacharias at si Mathanias:
14
At sa mga anak ni Heman, si Jehiel at si Simi: at sa mga anak ni Jeduthun, si Semeias at si Uzziel.
15
At pinisan nila ang kanilang mga kapatid, at nangagpakabanal, at nagsipasok ayon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang linisin ang bahay ng Panginoon.
16
At ang mga saserdote ay nagsipasok sa pinakaloob ng bahay ng Panginoon, upang linisin, at inilabas ang lahat na dumi na kanilang nasumpungan sa templo ng Panginoon. At kinuha ng mga Levita upang ilabas sa batis ng Cedron.
17
Sila nga'y nagpasimula na mangagpakabanal nang unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw ng buwan ay nagsiparoon sila sa portiko ng Panginoon; at kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa walong araw; at sa ikalabing anim na araw ng unang buwan ay kanilang niwakasan.
18
Nang magkagayo'y kanilang pinasok si Ezechias na hari, sa loob ng palasio, at kanilang sinabi, Aming nilinis ang buong bahay ng Panginoon, at ang dambana ng handog na susunugin, pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at ang dulang ng tinapay na handog, pati ng lahat na kasangkapan niyaon.
19
Bukod dito'y lahat na kasangkapan, na inihagis ng haring Achaz sa kaniyang paghahari, nang siya'y sumalangsang, aming inihanda at itinalaga, at, narito, nangasa harap ng dambana ng Panginoon.
20
Nang magkagayo'y si Ezechias na hari ay bumangong maaga, at pinisan ang mga prinsipe ng bayan, at sumampa sa bahay ng Panginoon.
21
At sila'y nagsipagdala ng pitong baka, at pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalake, na pinakahandog dahil sa kasalanan sa ikagagaling ng kaharian, at ng santuario, at ng Juda. At siya'y nagutos sa mga saserdote na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga yaon sa dambana ng Panginoon.
22
Sa gayo'y kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga saserdote ang dugo, at iniwisik sa dambana: at kanilang pinatay ang mga tupa, at iwinisik ang dugo sa ibabaw ng dambana: pinatay rin nila ang mga kordero, at iniwisik ang dugo sa ibabaw ng dambana.
23
At kanilang inilapit ang mga kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan sa harap ng hari at ng kapisanan; at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon:
24
At mga pinatay ng mga saserdote, at sila'y nagsigawa ng isang handog dahil sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga yaon sa ibabaw ng dambana, upang itubos sa buong Israel: sapagka't iniutos ng hari na ang handog na susunugin at ang handog dahil sa kasalanan ay gagawin para sa buong Israel.
25
At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, ayon sa utos ni David, at ni Gad na tagakita ng hari, at ni Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.
26
At ang mga Levita ay nagsitayo na may mga panugtog ni David, at ang mga saserdote na may mga pakakak.
27
At si Ezechias ay nagutos na maghandog ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. At nang ang handog na susunugin ay pasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan naman, at ang mga pakakak, pati ang mga panugtog ni David na hari sa Israel.
28
At ang buong kapisanan ay sumamba, at ang mga mangaawit ay nagsiawit, at ang mga manghihihip ng pakakak ay nangagpatunog; lahat ng ito ay ipinagpatuloy hanggang sa ang handog na susunugin ay natapos.
29
At nang sila'y makatapos ng paghahandog ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.
30
Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.
31
Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin.
32
At ang bilang ng mga handog na susunugin na dinala ng kapisanan, pitongpung baka, isang daang tupang lalake, dalawang daang kordero: lahat ng mga ito ay pinakahandog na susunugin sa Panginoon.
33
At ang mga bagay na itinalaga ay anim na raang baka at tatlong libong tupa.
34
Nguni't ang mga saserdote ay naging kakaunti, na anopa't hindi nila malapnusan ang lahat na handog na susunugin kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa nangagpakabanal ang mga saserdote; sapagka't ang mga Levita ay matuwid ang puso na mangagpakabanal na higit kay sa mga saserdote.
35
At ang mga handog na susunugin naman ay sagana, pati ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at pati ang mga handog na inumin na ukol sa bawa't handog na susunugin. Sa gayo'y ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay naayos.
36
At si Ezechias ay nagalak, at ang buong bayan, dahil sa inihanda ng Dios ang bayan: sapagka't ang bagay ay biglang nagawa.