1
Pagkatapos ng mga bagay na ito, at ng pagtatapat na ito, ay naparoon si Sennacherib na hari sa Asiria at pumasok sa Juda, at humantong laban sa mga bayan na nakukutaan, at kaniyang inisip sakupin upang kaniyahin.
2
At nang makita ni Ezechias na si Sennacherib ay dumating, at siya'y tumalaga na lumaban sa Jerusalem,
3
Ay nakipagsanggunian siya sa kaniyang mga prinsipe at sa kaniyang mga makapangyarihang lalake upang patigilin ang tubig sa mga bukal na nangasa labas ng bayan at kanilang tinulungan siya.
4
Sa gayo'y nagpipisan ang maraming tao sa bayan at kanilang pinatigil ang lahat na bukal, at ang batis na umaagos sa gitna ng lupain, na sinasabi, Bakit paririto ang mga hari sa Asiria, at makakasumpong ng maraming tubig?
5
At siya'y nagdalang tapang, at itinayo niya ang lahat na kuta na nabagsak, at pinataas pa ang mga moog, at ang ibang kuta sa labas, at pinagtibay ang Millo sa bayan ni David, at gumawa ng mga sandata at mga kalasag na sagana.
6
At siya'y naglagay ng mga pinunong kawal sa bayan na mangdidigma, at pinisan niya sila sa luwal na dako sa pintuang-bayan, at nagsalita na may kagandahang loob sa kanila, na sinasabi,
7
Kayo'y mangagpakalakas at mangagpakatapang na mabuti, huwag ninyong katakutan o panglupaypayan man ang hari sa Asiria, o ang buong karamihan man na kasama niya; sapagka't may lalong dakila sa atin kay sa kaniya:
8
Sumasakaniya ay isang kamay na laman; nguni't sumasaatin ay ang Panginoon nating Dios upang tulungan tayo, at ipakipaglaban ang ating mga pagbabaka, At ang bayan ay sumandal sa mga salita ni Ezechias na hari sa Juda.
9
Pagkatapos nito'y sinugo ni Sennacherib na hari sa Asiria ang kaniyang mga lingkod sa Jerusalem, (siya nga'y nasa harap ni Lachis, at ang kaniyang buong kapangyarihan ay sumasa kaniya,) kay Ezechias na hari sa Juda, at sa buong Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,
10
Ganito ang sabi ni Sennacherib na hari sa Asiria, Sa ano kayo nagsisiasa na kayo'y nagsisitahan sa pagkakubkob sa Jerusalem?
11
Hindi ba kayo hinihikayat ni Ezechias, upang kayo'y ibigay sa pagkamatay sa pamamagitan ng kagutom at ng kauhaw, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon nating Dios sa kamay ng hari sa Asiria?
12
Hindi ba ang Ezechias ding ito ang nagalis ng kaniyang mga mataas na dako at ng kaniyang mga dambana, at nagutos sa Juda at sa Jerusalem, na sinasabi, Kayo'y magsisisamba sa harap ng isang dambana, at sa ibabaw niyao'y mangagsusunog kayo ng kamangyan.
13
Hindi ba ninyo nalalaman, kung ano ang ginawa ko at ng aking mga magulang sa lahat ng bayan ng mga lupain? Ang mga dios ba ng mga bansa ng mga lupain ay nakapagligtas sa anomang paraan ng kanilang lupain sa aking kamay?
14
Sino sa lahat ng mga dios ng mga bansang yaon na lubos na giniba ng aking mga magulang na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, upang kayo'y mailigtas ng inyong Dios sa aking kamay?
15
Kaya't huwag nga kayong padaya kay Ezechias, ni hikayatin kayo ng ganitong paraan, ni paniwalaan man ninyo siya: sapagka't walang dios sa alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, at sa kamay ng aking mga magulang: gasino pa nga kaya ang inyong Dios na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay?
16
At ang kaniyang mga lingkod ay nagsalita pa laban sa Panginoong Dios, at laban sa kaniyang lingkod na si Ezechias.
17
Siya'y sumulat din ng mga sulat upang tungayawin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at upang magsalita laban sa kaniya, na sinasabi, Kung paanong hindi iniligtas ng mga dios ng mga bansa ng mga lupain ang kanilang bayan sa aking kamay, gayon hindi iniligtas ng Dios ni Ezechias ang kaniyang bayan sa aking kamay.
18
At siya'y sumigaw ng malakas sa wikang Judio sa bayan ng Jerusalem na nasa kuta, upang takutin sila, at upang bagabagin sila; upang kanilang masakop ang bayan.
19
At sila'y nangagsalita tungkol sa Dios ng Jerusalem, na gaya sa mga dios ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.
20
At si Ezechias na hari, at si Isaias na propeta na anak ni Amos, ay nagsidalangin dahil dito, at nagsidaing sa langit.
21
At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel, na naghiwalay ng lahat na makapangyarihang lalaking may tapang, at ng mga pangulo at mga pinunong kawal, sa kampamento ng hari sa Asiria. Sa gayo'y bumalik siya na nahihiya sa kaniyang sariling lupain. At nang siya'y dumating sa bahay ng kaniyang dios, ay pinatay siya roon ng tabak ng nagsilabas sa kaniyang sariling tiyan.
22
Ganito iniligtas ng Panginoon si Ezechias at ang mga taga Jerusalem sa kamay ni Sennacherib na hari, sa Asiria, at sa kamay ng lahat na iba, at pinatnubayan sila sa bawa't dako.
23
At marami ay nangagdala ng mga kaloob ng Panginoon sa Jerusalem, at ng mga mahalagang bagay kay Ezechias na hari sa Juda: na anopa't siya'y nataas sa paningin ng lahat na bansa mula noon.
24
Nang mga araw na yao'y nagkasakit ng ikamamatay si Ezechias: at siya'y dumalangin sa Panginoon; at siya'y nagsalita sa kaniya, at binigyan niya siya ng tanda.
25
Nguni't si Ezechias ay hindi nagbayad uli ng ayon sa kabutihang ginawa sa kaniya; sapagka't ang kaniyang puso ay nagmataas: kaya't nagkaroon ng kapootan sa kaniya, at sa Juda, at sa Jerusalem.
26
Gayon ma'y nagpakababa si Ezechias dahil sa kapalaluan ng kaniyang puso, siya, at gayon din ang mga taga Jerusalem, na anopa't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga kaarawan ni Ezechias.
27
At si Ezechias ay nagkaroon ng malabis na mga kayamanan at karangalan: at siya'y nagtaan para sa kaniya, ng mga ingatang-yaman na ukol sa pilak, at sa ginto; at sa mga mahalagang bato, at sa mga espisia, at sa mga kalasag, at sa lahat na sarisaring mabubuting mga sisidlan:
28
Mga kamalig din naman na ukol sa saganang trigo, at alak at langis; at mga silungan na ukol sa lahat na sarisaring hayop, at mga silungan na ukol sa mga kawan.
29
Bukod dito'y nagtaan siya sa kaniya ng mga bayan, at mga pag-aari na mga kawan at mga bakahan na sagana: sapagka't binigyan siya ng Dios ng maraming tinatangkilik.
30
Ang Ezechias ding ito ang nagpatigil ng pinakamataas na bukal ng tubig sa Gihon, at ibinabang tuloy sa dakong kalunuran ng bayan ni David. At si Ezechias ay guminhawa sa lahat ng kaniyang mga gawa.
31
Gayon ma'y sa bagay ng mga sugo ng mga prinsipe sa Babilonia, na nangagsugo sa kaniya upang magusisa ng kagilagilalas na gawa sa lupain ay pinabayaan siya ng Dios upang tikman siya, upang kaniyang maalaman ang lahat na nasa kaniyang puso.
32
Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, narito, nangakasulat sa pangitain ni Isaias na propeta na anak ni Amos, na aklat ng mga hari, sa Juda at Israel.
33
At si Ezechias ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa ahunan ng mga libingan ng mga anak ni David: at binigyan siyang karangalan ng buong Juda at ng mga taga Jerusalem sa kaniyang kamatayan. At si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.