Hakbang 155

pag-aaral

     

Mga Awit 5:8-12

8 Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.

9 Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila'y nanganunuya ng kanilang dila.

10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios; ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo: palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang; Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,

11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo, pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila: mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.

12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.

Mga Awit 6

1 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong galit, ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.

2 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka't ako'y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka't ang aking mga buto ay nagsisipangalog.

3 Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam: at ikaw, Oh Panginoon, hanggang kailan?

4 Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa: iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.

5 Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?

6 Ako'y pagal ng aking pagdaing; gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan; Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.

7 Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan; tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.

8 Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan: sapagka't narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.

9 Narinig ng Panginoon ang aking pananaing; tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.

10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya, at mababagabag na mainam: sila'y magsisibalik, sila'y mangapapahiyang kagyat.

Mga Awit 7

1 Oh Panginoon kong Dios, sa iyo nanganganlong ako. Iligtas mo ako sa lahat na nagsisihabol sa akin, at palayain mo ako:

2 Baka lurayin nila na gaya ng leon ang aking kaluluwa, na lurayin ito, habang walang magligtas.

3 Oh Panginoon kong Dios, kung ginawa ko ito; kung may kasamaan sa aking mga kamay;

4 Kung ako'y gumanti ng kasamaan sa kaniya na may kapayapaan sa akin; (Oo, aking pinawalan siya, na walang anomang kadahilanan ay naging aking kaaway:)

5 Habulin ng kaaway ang aking kaluluwa, at abutan; Oo, yapakan niya ang aking kaluluwa sa lupa, at ilagay ang aking kaluwalhatian sa alabok. (Selah)

6 Ikaw ay bumangon, Oh Panginoon, sa iyong galit, magpakataas ka laban sa poot ng aking mga kaaway; at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagutos ng kahatulan.

7 At ligirin ka ng kapisanan ng mga bayan sa palibot: at sila'y pihitan mong nasa mataas ka.

8 Ang panginoo'y nangangasiwa ng kahatulan sa mga bayan: iyong hatulan ako, Oh Panginoon, ayon sa aking katuwiran, at sa aking pagtatapat na nasa akin.

9 Oh wakasan ang kasamaan ng masama, nguni't itatag mo ang matuwid; sapagka't sinubok ng matuwid na Dios ang mga pagiisip at ang mga puso.

10 Ang aking kalasag ay sa Dios. na nagliligtas ng matuwid sa puso.

11 Ang Dios ay matuwid na hukom, Oo, Dios na may galit araw-araw.

12 Kung ang tao ay hindi magbalik-loob, kaniyang ihahasa ang kaniyang tabak; kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at inihanda.

13 Inihanda rin naman niya ang mga kasangkapan ng kamatayan; kaniyang pinapagniningas ang kaniyang mga pana.

14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan; Oo, siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.

15 Siya'y gumawa ng balon, at hinukay, at nahulog sa hukay na kaniyang ginawa.

16 Ang kaniyang gawang masama ay magbabalik sa kaniyang sariling ulo, at ang kaniyang pangdadahas ay babagsak sa kaniyang sariling bunbunan.

17 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon, ayon sa kaniyang katuwiran: at aawit ng pagpupuri sa pangalan ng Panginoon na Kataastaasan.

Mga Awit 8

1 Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa! na siyang naglagay ng inyong kaluwalhatian sa mga langit.

2 Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong itinatag ang kalakasan, dahil sa iyong mga kaaway, upang iyong patahimikin ang kaaway at ang manghihiganti.

3 Pagka binubulay ko ang iyong mga langit, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inayos;

4 Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?

5 Sapagka't iyong ginawa siyang kaunting mababa lamang kay sa Dios, at pinaputungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.

6 Iyong pinapagtataglay siya ng kapangyarihan sa mga gawa ng iyong mga kamay; iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa:

7 Lahat na tupa at baka, Oo, at ang mga hayop sa parang;

8 Ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, anomang nagdaraan sa mga kalaliman ng mga dagat.

9 Oh Panginoon, aming Panginoon, pagkarilag ng iyong pangalan sa buong lupa!

Mga Awit 9

1 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso; aking ipakikilala ang lahat na iyong kagilagilalas na mga gawa.

2 Ako'y magpapakasaya at magpapakagalak sa iyo: ako'y aawit ng pagpuri sa iyong pangalan, Oh ikaw na kataastaasan.

3 Pagka ang aking mga kaaway ay magsisibalik, sila'y matitisod at malilipol sa iyong harapan.

4 Sapagka't iyong inalalayan ang aking matuwid at ang aking usap; ikaw ay nauupo sa luklukan na humahatol na may katuwiran.

5 Iyong sinaway ang mga bansa, iyong nilipol ang masama, iyong pinawi ang kanilang pangalan magpakailan man.

6 Ang kaaway ay dumating sa wakas, sila'y lipol magpakailan man; at ang mga siyudad na iyong dinaig, ang tanging alaala sa kanila ay napawi.

7 Nguni't ang Panginoon ay nauupong hari magpakailan man: inihanda niya ang kaniyang luklukan para sa kahatulan.

8 At hahatulan niya sa katuwiran ang sanglibutan, siya'y mangangasiwa ng karampatang kahatulan sa mga tao.

9 Ang Panginoon naman ay magiging matayog na moog sa napipighati, matayog na moog sa mga panahon ng kabagabagan;

10 At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka't ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo.

11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, na nagsisitahan sa Sion: ipahayag ninyo sa gitna ng bayan ang kaniyang mga gawa.

12 Sapagka't siyang nagsisiyasat ng dugo ay umaalaala sa kanila: hindi niya kinalilimutan ang daing ng dukha.

13 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; masdan mo ang kadalamhatian na aking tinitiis sa kanila na mangagtatanim sa akin, ikaw na nagtataas sa akin mula sa mga pintuan ng kamatayan;

14 Upang aking maipakilala ang iyong buong kapurihan: sa mga pintuang-bayan ng anak na babae ng Sion, ako'y magagalak sa iyong pagliligtas.

15 Ang mga bansa ay nangahulog sa balon na kanilang ginawa: sa silo na kanilang ikinubli ay kanilang sariling paa ang nahuli.

16 Ang Panginoon ay napakilala, siya'y naglapat ng kahatulan: ang masama ay nasilo sa mga gawa ng kaniyang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)

17 Ang masama ay mauuwi sa Sheol, pati ng lahat ng mga bansa na nagsisilimot sa Dios.

18 Sapagka't ang mapagkailangan ay hindi laging malilimutan, ni ang pagasa ng dukha ay mapapawi magpakailan man.

19 Bumangon ka, Oh Panginoon; huwag manaig ang tao: mahatulan ang mga bansa sa iyong paningin.

20 Ilagay mo sila sa katakutan Oh, Panginoon: ipakilala mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang. (Selah)

Mga Awit 10

1 Bakit ka tumatayong malayo, Oh Panginoon? Bakit ka nagtatago sa mga panahon ng kabagabagan?

2 Sa kapalaluan ng masama ang dukha ay hinahabol na mainam; mahuli nawa sila sa mga lalang na kanilang inakala.

3 Sapagka't ang masama ay nagmamalaki sa nais ng kaniyang puso, at ang mapagimbot ay nagtatakuwil, oo, nagwawalang kabuluhan sa Panginoon.

4 Ang masama, sa kapalaluan ng kaniyang mukha, ay nagsasabi, hindi niya sisiyasatin. Lahat niyang pagiisip ay, walang Dios.

5 Ang kaniyang mga lakad ay panatag sa lahat ng panahon; ang iyong mga kahatulan ay malayong totoo sa kaniyang paningin: tungkol sa lahat niyang mga kaaway, tinutuya niya sila.

6 Sinasabi niya sa kaniyang puso, Hindi ako makikilos: sa lahat ng sali't saling lahi ay hindi ako malalagay sa karalitaan.

7 Ang kaniyang bibig ay puno ng panunungayaw, at pagdaraya, at pang-aapi: sa ilalim ng kaniyang dila ay kalikuan at kasamaan.

8 Siya'y nauupo sa mga pinakasulok na dako ng mga nayon: sa mga kubling dako ay pinapatay niya ang walang sala; ang kaniyang mga mata ay natititig laban sa walang nagkakandili.

9 Siya'y bumabakay sa kubli, na parang leon sa kaniyang lungga: siya'y nagaabang upang hulihin ang dukha: hinuhuli niya ang dukha, pagka kaniyang dinadala siya sa silo niya.

10 Siya'y naninibasib, siya'y nagpapakaliit, at ang mga walang nagkakandili ay nangahuhulog sa kaniyang mga malakas.

11 Sinasabi niya sa kaniyang puso: ang Dios ay nakalimot: kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, hindi na niya makikita kailan man.

12 Bumangon ka, Oh Panginoon, Oh Dios, itaas mo ang iyong kamay: huwag mong kalimutan ang dukha.

13 Bakit sinusumpa ng masama ang Dios, at nagsasabi sa kaniyang puso: hindi mo sisiyasatin?

14 Iyong nakita; sapagka't iyong minamasdan ang pahirap at pangduduwahagi upang mapasa iyong kamay: ang walang nagkakandili ay napakukupkop sa iyo; ikaw ay naging tagakandili sa ulila.

15 Baliin mo ang bisig ng masama: at tungkol sa masamang tao, pag-usigin mo ang kaniyang kasamaan hanggang sa wala ka nang masumpungan.

16 Ang Panginoon ay Hari magpakailan-kailan man. Ang mga bansa ay nalilipol sa kaniyang lupain.

17 Panginoon, iyong narinig ang nasa ng mga maamo: iyong ihahanda ang kanilang puso, iyong pakikinggan ng iyong pakinig:

18 Upang hatulan ang ulila at ang napipighati, upang huwag nang makapangilabot ang tao na taga lupa.