Hakbang 219

pag-aaral

     

Isaias 5:18-30

18 Sa aba nila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng walang kabuluhan, at ng kasalanan na tila panali ng kariton:

19 Na nagsasabi, Magmaliksi siya, madaliin niya ang kaniyang gawa upang aming makita: at lumapit at dumating nawa ang payo ng Banal ng Israel upang aming maalaman!

20 Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!

21 Sa aba nila na pantas sa kanilang sariling mga mata, at mabait sa kanilang sariling paningin!

22 Sa aba nila na malakas uminom ng alak, at mga taong malakas sa paghahalo ng matapang na inumin:

23 Na nagsisiaring ganap sa masama dahil sa suhol, at inaalis ang katuwiran sa matuwid!

24 Kaya't kung paanong ang liyab ng apoy ay pumupugnaw ng pinagputulan ng trigo, at kung paanong ang tuyong damo ay nasusupok sa alab, gayon magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay iilanglang na gaya ng alabok: sapagka't kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.

25 Kaya't nagalab ang galit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at iniunat niya ang kaniyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga burol ay nanginig, at ang kanilang mga bangkay ay naging dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kaniyang galit, kundi laging nakaunat ang kaniyang kamay.

26 At siya'y magtataas ng watawat sa mga bansa mula sa malayo, at susutsutan sila mula sa wakas ng lupa: at, narito, sila'y darating na lubhang nagmamadali:

27 Walang mapapagod o matitisod man sa kanila; walang iidlip o matutulog man; ni hindi man kakalagin ang pamigkis ng kanilang mga balakang, o mapapatid man ang mga panali ng kanilang mga panyapak:

28 Na ang kanilang mga pana ay hasa, at lahat nilang busog ay nangakaakma; ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay maibibilang na parang pingkiang bato, at ang kanilang mga gulong ay parang ipoipo:

29 Ang kanilang angal ay magiging gaya ng sa leon, sila'y magsisiangal na gaya ng mga batang leon: oo, sila'y magsisiangal, at magsisipangal ng huli, at tatangayin, at walang magliligtas.

30 At ang mga yao'y magsisiangal laban sa kanila sa araw na yaon na gaya ng hugong ng dagat: at kung tingnan ang lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay magdidilim sa mga ulap niyaon.

Isaias 6

1 Noong taong mamatay ang haring Uzzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian.

2 Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.

3 At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.

4 At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.

5 Nang magkagayo'y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.

6 Nang magkagayo'y nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may baga sa kaniyang kamay, na kaniyang kinuha ng mga pangipit mula sa dambana:

7 At hinipo niya niyaon ang aking bibig, at nagsabi, Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.

8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.

9 At sinabi niya, Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, inyong naririnig nga, nguni't hindi ninyo nauunawa; at nakikita nga ninyo, nguni't hindi ninyo namamalas.

10 Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata; at mangakarinig ng kanilang mga pakinig, at mangakaunawa ng kanilang puso, at mangagbalik loob, at magsigaling.

11 Nang magkagayo'y sinabi ko, Panginoon, hanggang kailan? At siya'y sumagot, Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba,

12 At ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain.

13 At kung magkaroon ng ikasangpung bahagi roon, mapupugnaw uli: gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina, na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol; gayon ang banal na lahi ay siyang puno niyaon.

Isaias 7

1 At nangyari, nang mga kaarawan ni Achaz na anak ni Jotham, anak ni Uzzias, na hari sa Juda, na si Rezin na hari sa Siria, at si Peca na anak ni Remalias, hari sa Israel, ay nagsiahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon; nguni't hindi nanganaig laban doon.

2 At nasaysay sa sangbahayan ni David, na sinasabi, Ang Siria ay nalakip sa Ephraim. At ang puso niya'y nakilos, at ang puso ng kaniyang bayan na gaya ng mga punong kahoy sa gubat na kinilos ng hangin.

3 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Isaias, Lumabas ka na iyong salubungin si Achaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng nagpapaputi ng kayo;

4 At sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay magingat, at tumahimik ka; huwag kang matakot, o manglupaypay man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias.

5 Dahil sa ang Siria ay pumayo ng masama laban sa iyo, ang Ephraim din naman, at ang anak ni Remalias, na nagsasabi,

6 Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating bagabagin, at ating papasukin sila, at tayo'y maglagay ng hari sa gitna niyaon, sa makatuwid baga'y ang anak ni Tabeel:

7 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Hindi matatayo o mangyayari man.

8 Sapagka't ang pangulo ng Siria ay ang Damasco, at ang pangulo ng Damasco ay ang Rezin: at sa loob ng anim na pu't limang taon ay magkakawatakwatak ang Ephraim, upang huwag maging bayan:

9 At ang pangulo ng Ephraim ay ang Samaria, at ang pangulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung kayo'y hindi maniniwala, tunay na hindi kayo mangatatatag.

10 At ang Panginoon ay nagsalita uli kay Achaz, na nagsasabi,

11 Humingi ka sa ganang iyo ng tanda na mula sa Panginoon mong Dios; humingi ka maging sa kalaliman, o sa kaitaasan sa itaas.

12 Nguni't sinabi ni Achaz, Hindi ako hihingi, ni tutuksuhin ko man ang Panginoon.

13 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon, Oh sangbahayan ni David; maliit na bagay ba sa inyo ang mamagod sa mga tao na inyong papagurin rin ang aking Dios?

14 Kaya't ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel.

15 Siya'y kakain ng mantekilla at pulot, pagka siya'y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti.

16 Sapagka't bago maalaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, pababayaan ang lupain ng dalawang haring iyong kinayayamutan.

17 Ang Panginoon ay magpapasapit sa iyo, at sa iyong bayan, at sa sangbahayan ng iyong magulang ng mga araw na hindi nangyari mula ng araw na humiwalay ang Ephraim sa Juda; sa makatuwid baga'y ang hari sa Asiria.

18 At mangyayari sa araw na yaon, na susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahulihulihang bahagi ng mga ilog ng Egipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria.

19 At sila'y magsisidating, at silang lahat ay mangagpapahinga sa mga gibang libis, at sa mga bitak ng malalaking bato, at sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal.

20 Sa araw na yaon ay aahitin ng Panginoon ang ulo at ang balahibo ng mga paa, ng pangahit na inupahan, ang nangasa bahagi ng dako roon ng Ilog, ang hari sa Asiria: at aalisin din ang balbas.

21 At mangyayari sa araw na yaon, na ang isang tao ay magaalaga ng guyang baka, at ng dalawang tupa;

22 At mangyayari, na dahil sa kasaganaan ng gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng mantekilla: sapagka't ang bawa't isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng mantekilla at pulot.

23 At mangyayari sa araw na yaon, na ang bawa't dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan.

24 Paroroon ang isa na may mga pana at may busog; sapagka't ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan.

25 At ang lahat ng burol na hinukay ng azarol, hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; kundi magiging pagalaan sa mga baka, at yurakan ng mga tupa.

Isaias 8

1 At sinabi ng Panginoon sa akin, Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng panulat ng tao, Kay Maher-salalhash-baz;

2 At magdadala ako ng mga tapat na saksi upang mangagpaalaala, si Urias na saserdote, at si Zacarias na anak ni Jeberechias.

3 At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalake. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Tawagin mo ang kaniyang pangalan na Maher-salalhash-baz.

4 Sapagka't bago ang anak ay matutong dumaing ng, Ama ko, at: Ina ko, ang mga kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay dadalahin sa harap ng hari ng Asiria.

5 At nagsalita pa ang Panginoon uli sa akin, na nagsasabi,

6 Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na nagsisiagos na marahan, at siya'y nagagalak kay Rezin at sa anak ni Remalias;

7 Ngayon nga, narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, sa makatuwid baga'y ang hari sa Asiria at ang buo niyang kaluwalhatian: at siya'y aahon sa lahat niyang bangbang, at aapaw sa buo niyang baybayin:

8 At magpapatuloy sa dako ng loob ng Juda; aapaw at lalampas; aabot hanggang sa leeg; at ang laganap ng kaniyang mga pakpak ay siyang magpupuno ng kaluwangan ng iyong lupain, Oh Emmanuel.

9 Kayo'y magsamasama, Oh mga bayan, at kayo'y mangagkakawatakwatak; at kayo'y mangakinig, kayong lahat na taga malayong lupain: mangagbigkis kayo, at kayo'y mangagkakawatakwatak; kayo'y mangagbigkis, at kayo'y mangagkakawatakwatak.

10 Mangagsanggunian kayo, at yao'y mauuwi sa wala; mangagsalita kayo ng salita at hindi matatayo: sapagka't ang Dios ay sumasaamin.

11 Sapagka't ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at tinuruan ako na huwag lumakad ng lakad ng bayang ito, na sinasabi,

12 Huwag ninyong sabihin, Pagbabanta; tungkol sa lahat na sasabihin ng bayang ito, Pagbabanta, o huwag mang mangatakot kayo ng kanilang takot, o mangilabot man doon.

13 Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong aariing banal; at sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot.

14 At siya'y magiging pinakasantuario; nguni't pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.

15 At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.

16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.

17 At aking hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kaniyang mukha sa sangbahayan ni Jacob, at aking hahanapin siya.

18 Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin ay mga pinakatanda at pinaka kababalaghan sa Israel na mula sa Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa bundok ng Sion.

19 At pagka kanilang sasabihin sa inyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga patay?

20 Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.

21 At sila'y magsisidaan doon, na nahihirapan at gutom: at mangyayari, na pagka sila'y mangagugutom, sila'y mangagagalit, at magsisisumpa alangalang sa kanilang hari at sa kanilang Dios, at ititingala nila ang kanilang mga mukha:

22 At sila'y titingin sa lupa, at, narito, kahirapan at kadiliman, ulap ng kahapisan, at sa salimuot na kadiliman ay itataboy sila.

Isaias 9:1-12

1 Gayon man ay hindi magkakaroon ng paguulap sa kaniya na nasa kahapisan. Nang unang panahon ay dinala niya sa pagkawalang kabuluhan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Nephtali, nguni't sa huling panahon ay ginawa niyang maluwalhati, sa daang patungo sa dagat, sa dako roon ng Jordan, ng Galilea ng mga bansa.

2 Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag.

3 Iyong pinarami ang bansa, iyong pinalago ang kanilang kagalakan: sila'y nangagagalak sa harap mo ayon sa kagalakan sa pagaani, gaya ng mga tao na nangagagalak pagka nangagbabahagi ng samsam.

4 Sapagka't ang pamatok na kaniyang pasan, at ang pingga sa kaniyang balikat, ang panghampas ng mamimighati sa kaniya, ay iyong sinira na gaya sa kaarawan ng Madian.

5 Sapagka't ang lahat na sakbat ng nasasakbatang tao sa kaguluhan, at ang mga kasuutang puno ng dugo ay magiging para sa pagkasunog, para sa mitsa ng apoy.

6 Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.

7 Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

8 Nagpasabi ang Panginoon sa Jacob, at naliliwanagan ang Israel,

9 At malalaman ng buong bayan ng Ephraim, at ng nananahan sa Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng ulo,

10 Ang mga laryo ay nangahulog, nguni't aming itatayo ng tinabas na bato: ang mga sikomoro ay nangaputol, nguni't aming papalitan ng mga cedro.

11 Kaya't itataas ng Panginoon laban sa kaniya ang mga kaaway ng Rezin, at manghihikayat ng kaniyang mga kaalit;

12 Ang mga taga Siria sa unahan, at ang mga Filisteo sa likuran; at kanilang lalamunin ang Israel ng bukang bibig. Sa lahat na ito ang kaniyang galit ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.