1
Sa aba nila na nagpapasiya ng mga likong pasiya, at ng mga manunulat na sumusulat ng mga kasuwailan:
2
Upang iligaw sa kahatulan ang mapagkailangan, at upang alisin ang katuwiran ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing bao ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing kanilang huli ang mga ulila!
3
At ano ang inyong gagawin sa araw ng pagdalaw, at sa kagibaan na manggagaling sa malayo? sa kanino kayo magsisitakas upang kayo'y tulungan? at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian?
4
Sila'y magsisiyukod na gaya ng mga bilanggo, at mangabubuwal sa bunton ng mga patay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.
5
Hoy, taga Asiria, na pamalo ng aking galit, siyang tungkod na kasangkapan ng aking pag-iinit.
6
Aking susuguin siya laban sa maruming bansa, at laban sa bayan na aking kinapopootan ay pagbibilinan ko siya, upang manamsam, at upang manunggab, at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.
7
Gayon ma'y hindi niya inaakalang gayon, o iniisip mang gayon ng kaniyang puso; kundi ang nasa kaniyang puso ay manggiba, at manglipol ng mga bansa na hindi kakaunti.
8
Sapagka't kaniyang sinasabi, Hindi baga ang aking mga pangulo ay hari silang lahat?
9
Hindi baga ang calno ay gaya ng Carchemis? hindi ba ang Hamath ay gaya ng Arphad? hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?
10
Kung paanong nakasumpong ang aking kamay ng mga kaharian ng mga diosdiosan, na ang mga larawan nilang inanyuan ay mga higit ng dami kay sa Jerusalem at sa Samaria;
11
Hindi ko baga gagawing gayon sa Jerusalem at sa kaniyang mga diosdiosan, ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kaniyang mga diosdiosan?
12
Kaya't mangyayari, na pagka naisagawa ng Panginoon ang buo niyang gawain sa bundok ng Sion at sa Jerusalem, aking parurusahan ang kagagawan ng mapagmalaking loob na hari sa Asiria, at ang kaluwalhatian ng kaniyang mga mapagmataas na tingin.
13
Sapagka't kaniyang sinabi, Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan; sapagka't ako'y mabait: at aking binago ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na lalake na ibinaba ko silang nangakaupo sa mga luklukan:
14
At nasumpungan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; at ako'y namulot sa buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan: at walang magkilos ng pakpak, o magbuka ng bibig o sumiyap.
15
Magmamapuri ba ang palakol laban sa nagpuputol niyaon? Nakapagmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyaon? gaya ng kung ang pamalo ay makapagpapanginig sa kanila na nagtataas niyaon, o gaya ng kung ang tungkod ay magtataas sa tao na hindi kahoy.
16
Kaya't pangangayayatin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ang kaniyang mga mataba; at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas na apoy.
17
At ang liwanag ng Israel ay magiging pinakaapoy, at ang kaniyang Banal ay pinakaliyab: at magniningas at susupukin ang kaniyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
18
At kaniyang pupugnawin ang kaluwalhatian ng kaniyang gubat, at ng kaniyang pinakikinabangang bukid, ang kaluluwa at gayon din ang katawan: at magiging gaya ng kung nanglulupaypay ang may dala ng watawat.
19
At ang nalabi sa mga punong kahoy ng kaniyang gubat ay mangangaunti, na anopat mabibilang ng bata.
20
At mangyayari sa araw na yaon, na ang nalabi sa Israel, at ang nangakatanan sa sangbahayan ni Jacob, hindi na titiwala pa uli sa kaniya na sumakit sa kanila; kundi titiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.
21
Isang nalabi ay manunumbalik, sa makatuwid baga'y ang nalabi sa Jacob, sa makapangyarihang Dios.
22
Sapagka't bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, ang isang nalabi lamang sa kanila ang manunumbalik: ang pagkalipol ay naipasiya, na magtataglay ng katuwiran.
23
Sapagka't ang kagibaan, at ang ipinasiya, gagawin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, sa gitna ng buong lupa.
24
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Oh bayan kong tumatahan sa Sion, huwag kang matakot sa taga Asiria: bagaman ikaw ay sinaktan niya ng pamalo at nagtaas ng kaniyang tungkod laban sa iyo, ayon sa paraan ng Egipto.
25
Sapagka't sangdali pa, at ang pagkagalit ay magaganap, at ang aking galit, sa kanilang ikamamatay.
26
At ibabangon ng Panginoon ng mga hukbo, ang kasakunaan laban sa kaniya, na gaya ng pagpatay sa Madian sa bato ng Oreb: at ang kaniyang panghampas ay malalagay sa dagat, at kaniyang itataas ng ayon sa paraan ng Egipto.
27
At mangyayari sa araw na yaon, na ang atang niya ay mahihiwalay sa iyong balikat, at ang kaniyang ipinasan sa iyong leeg, at ang ipinasan ay malalagpak dahil sa pinahiran.
28
Siya'y dumating sa Ajad, siya'y nagdaan sa Migron; sa Michmas inilalapag niya ang kaniyang mga daladalahan:
29
Sila'y nangagdaraan sa landas; sila'y nagsituloy na nangagpahinga sa Geba: ang Rama ay nanginginig; ang Gabaa ni Saul ay tumakas.
30
Humiyaw kang malakas ng iyong tinig, Oh anak na babae ng Galim! duminig ka, Oh Lais! Oh ikaw na kaawaawang Anathoth!
31
Madmena ay palaboy; ang mga nananahan sa Gebim ay nagtitipon upang magsitakas.
32
Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob: kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa bundok ng anak na babae ng Sion, na burol ng Jerusalem.
33
Narito, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, na kakilakilabot ang mga sanga: at ang mga mataas sa anyo ay ibubuwal, at ang mapagmataas ay ibababa.
34
At kaniyang puputulin ang mga siitan ng gubat sa pamamagitan ng bakal, at ang Libano ay mawawasak sa pamamagitan ng isang makapangyarihan.