Корак 319

Студија

     

Juan 17:14-26

14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

15 Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.

16 Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

17 Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.

18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.

19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan.

20 Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

21 Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.

22 At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa;

23 Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.

24 Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

25 Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni't nakikilala kita; at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin;

26 At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako'y sa kanila.

Juan 18

1 Nang masalita ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kaniyang mga alagad na nagsitawid ng batis ng Cedron, na doo'y may isang halamanan, na pinasok niya at ng kaniyang mga alagad.

2 Si Judas nga rin naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nalalaman ang dako: sapagka't madalas na si Jesus ay nakikipagkatipon sa kaniyang mga alagad doon.

3 Si Judas nga, pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal, at mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata.

4 Si Jesus nga, na nakatataho ng lahat ng mga bagay na sasapit sa kaniya, ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, Sino ang inyong hinahanap?

5 Sinagot niya sila, Si Jesus na taga Nazaret. Sinabi sa kanila ni Jesus, Ako nga. At si Judas din naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nakatayong kasama nila.

6 Pagkasabi nga niya sa kanila, Ako nga, ay nagsiurong sila, at nangalugmok sa lupa.

7 Muli ngang sila'y tinanong niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Jesus na taga Nazaret.

8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad.

9 Upang matupad ang salitang sinalita niya, Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko iniwala kahit isa.

10 Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.

11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?

12 Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya'y ginapos.

13 At siya'y dinala muna kay Anas; sapagka't siya'y biyenan ni Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon.

14 Si Caifas nga na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao'y mamatay dahil sa bayan.

15 At sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote;

16 Nguni't si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro.

17 Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako'y hindi.

18 Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka't maginaw; at sila'y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.

19 Tinanong nga ng dakilang saserdote si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad, at sa kaniyang pagtuturo.

20 Sinagot siya ni Jesus, Ako'y hayag na nagsalita sa sanglibutan; ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim.

21 Bakit ako'y iyong tinatanong? tanungin mo silang nangakarinig sa akin, kung anong sinalita ko sa kanila: narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.

22 At nang kaniyang masabi ito, ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, Ganyan ang pagsagot mo sa dakilang saserdote?

23 Sinagot siya ni Jesus, Kung ako'y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa't kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?

24 Ipinadala nga siyang gapos ni Anas kay Caifas na dakilang saserdote.

25 Nakatayo nga si Pedro na nagpapainit. Sinabi nga nila sa kaniya, Ikaw baga ay isa rin naman sa kaniyang mga alagad? Siya'y kumaila, at sinabi, Ako'y hindi.

26 Ang isa sa mga alipin ng dakilang saserdote, na kamaganak niyaong tinagpas ni Pedro ang tainga, ay nagsabi, Hindi baga ikaw ay nakita kong kasama niya sa halamanan?

27 Muli ngang kumaila si Pedro: at pagdaka'y tumilaok ang manok.

28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa Pretorio: at niyao'y maaga pa; at sila'y hindi nagsipasok sa Pretorio, upang huwag silang madungisan, upang sila'y mangyaring makakain ng kordero ng paskua.

29 Nilabas nga sila ni Pilato, at sinabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito?

30 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Kung ang taong ito'y hindi manggagawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.

31 Sa kanila nga'y sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Judio'y nangagsabi sa kaniya, Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na magpapatay ng sinomang tao:

32 Upang matupad ang salitang sinalita ni Jesus, na ipinaalam kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.

33 Si Pilato nga'y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?

34 Sumagot si Jesus, Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin?

35 Si Pilato ay sumagot, Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin: anong ginawa mo?

36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio: nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito.

37 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.

38 Sinabi sa kaniya ni Pilato, Ano ang katotohanan? At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio, at sa kanila'y sinabi, Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

39 Nguni't kayo'y may ugali, na pawalan sa inyo ang isa sa paskua: ibig nga baga ninyong sa inyo'y pawalan ko ang Hari ng mga Judio?

40 Sila nga'y nagsigawang muli, na nangagsasabi, Huwag ang taong ito, kundi si Barrabas. Si Barrabas nga'y isang tulisan.

Juan 19

1 Nang magkagayon nga'y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya'y hinampas.

2 At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at siya'y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube;

3 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya'y kanilang pinagsuntukanan.

4 At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila'y sinabi, Narito, siya'y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

5 Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila'y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao!

6 Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila'y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa kaniya.

7 Nagsisagot sa kaniya ang mga Judio, Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka't siya'y nagpapanggap na Anak ng Dios.

8 Pagkarinig nga ni Pilato ng salitang ito, ay lalong sinidlan siya ng takot;

9 At siya'y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus.

10 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa iyo'y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo'y magpako sa krus?

11 Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya't ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan.

12 Dahil dito'y pinagsisikapan ni Pilato na siya'y pawalan: nguni't ang mga Judio ay nagsisigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar: ang bawa't isang nagpapanggap na hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.

13 Nang marinig nga ni Pilato ang mga salitang ito, ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Pavimento, datapuwa't sa Hebreo ay Gabbatha.

14 Noon nga'y Paghahanda ng paskua: at noo'y magiikaanim ng oras. At sinabi niya sa mga Judio, Narito, ang inyong Hari!

15 Sila nga'y nagsigawan, Alisin siya, alisin siya, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari? Nagsisagot ang mga pangulong saserdote, Wala kaming hari kundi si Cesar.

16 Nang magkagayon nga'y ibinigay siya sa kanila upang maipako sa krus.

17 Kinuha nga nila si Jesus: at siya'y lumabas, na pasan niya ang krus, hanggang sa dakong tinatawag na Dako ng bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota:

18 Na doo'y ipinako nila siya sa krus, at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawa't tagiliran, at si Jesus sa gitna.

19 At sumulat din naman si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa ulunan ng krus. At ang nasusulat ay, JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.

20 Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagka't ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa bayan; at ito'y nasusulat sa Hebreo, at sa Latin, at sa Griego.

21 Sinabi nga kay Pilato ng mga pangulong saserdote ng mga Judio, Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio.

22 Sumagot si Pilato, Ang naisulat ko ay naisulat ko.

23 Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa't kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

24 Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran.

25 Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa't nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

26 Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak!

27 Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

28 Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.

29 Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig.

30 Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

31 Ang mga Judio nga, sapagka't noo'y Paghahanda, upang ang mga katawan ay huwag mangatira sa krus sa sabbath (sapagka't dakila ang araw ng sabbath na yaon), ay hiniling nila kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita, at upang sila'y mangaalis doon.

32 Nagsiparoon na ang mga kawal, at inumog ang mga hita ng una, at ng sa isa na ipinako sa krus na kasama niya:

33 Nguni't nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya'y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita:

34 Gayon ma'y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang dugo at tubig.

35 At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at nalalaman niyang siya'y nagsasabi ng totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya.

36 Sapagka't ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang buto niya'y hindi mababali.

37 At sinabi naman sa ibang kasulatan, Magsisitingin sila sa kaniya na kanilang pinagulusanan.

38 At pagkatapos ng mga bagay na ito si Jose na taga Arimatea, palibhasa'y alagad ni Jesus, bagama't lihim dahil sa katakutan sa mga Judio, ay namanhik kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus; at ipinahintulot ni Pilato sa kaniya. Naparoon nga siya, at inalis ang kaniyang bangkay.

39 At naparoon naman si Nicodemo, yaong naparoon nang una sa kaniya nang gabi, na may dalang isang pinaghalong mirra at mga aloe, na may mga isang daang libra.

40 Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.

41 Sa dako nga ng pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan; at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailan ma'y hindi pa napaglalagyan ng sinoman.

42 Doon nga, dahil sa Paghahanda ng mga Judio (sapagka't malapit ang libingan) ay kanilang inilagay si Jesus.

Juan 20

1 Nang unang araw nga ng sanglinggo ay naparoong maaga sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakita ang bato na naalis na sa libingan.

2 Tumakbo nga siya, at naparoon kay Simon Pedro, at sa isang alagad na iniibig ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay.

3 Umalis nga si Pedro, at ang isang alagad, at nagsitungo sa libingan.

4 At sila'y kapuwa tumakbong magkasama: at ang isang alagad ay tumakbong matulin kay sa kay Pedro, at dumating na una sa libingan;

5 At nang kaniyang tunghan at tingnan ang loob, ay nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino; gayon ma'y hindi siya pumasok sa loob.

6 Dumating naman nga si Simon Pedro, na sumusunod sa kaniya, at pumasok sa libingan; at nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino,

7 At ang panyo na nasa kaniyang ulo, ay hindi kasamang nakalatag ng mga kayong lino, kundi bukod na natitiklop sa isang tabi.

8 Nang magkagayo'y pumasok din naman nga ang isang alagad, na unang dumating sa libingan, at siya'y nakakita at sumampalataya.

9 Sapagka't hindi pa nila napaguunawa ang kasulatan, na kinakailangang siya'y muling magbangon sa mga patay.

10 Kaya't ang mga alagad ay muling nagsitungo sa kanikanilang sariling tahanan.

11 Nguni't si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na umiiyak: sa gayon, samantalang siya'y umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan;

12 At nakita niya ang dalawang anghel na nararamtan na nangakaupo, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan, ng kinalalagyan ng bangkay ni Jesus.

13 At sinabi nila sa kaniya, Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka't kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.

14 Pagkasabi niya ng gayon, siya'y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.

15 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao'y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.

16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.

17 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.

18 Naparoon si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad, Nakita ko ang Panginoon; at kung paanong sinabi niya sa kaniya ang mga bagay na ito.

19 Nang kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

20 At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon.

21 Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.

22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo:

23 Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.

24 Nguni't si Tomas, isa sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay wala sa kanila nang dumating si Jesus.

25 Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Nguni't sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.

26 At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

27 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.

28 Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Dios ko.

29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya.

30 Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito:

31 Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.

Juan 21

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias; at siya'y napakita sa ganitong paraan.

2 Samasama nga si Simon Pedro, at si Tomas na tinatawag na Didimo, at si Natanael na taga Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kaniyang mga alagad.

3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya, Kami man ay magsisisama sa iyo. Sila'y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong; at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman.

4 Nguni't nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayon ma'y hindi napagalaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus.

5 Sa kanila nga'y sinabi ni Jesus, Mga anak, mayroon baga kayong anomang makakain? Nagsisagot sila sa kaniya, Wala.

6 At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda.

7 Yaong alagad nga na iniibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, Ang Panginoon nga. Kaya't pagkarinig nga ni Simon Pedro na yao'y ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kaniyang tunika (sapagka't siya'y hubo't hubad), at tumalon sa dagat.

8 Datapuwa't ang ibang mga alagad ay nagsilapit sa maliit na daong (sapagka't sila'y hindi lubhang malayo sa lupa, kundi may mga dalawangdaang siko), na hinihila ang lambat na puno ng mga isda.

9 Kaya't nang sila'y magsilunsad sa lupa, ay nakakita sila doon ng mga bagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.

10 Sinabi sa kanila ni Jesus, Mangagdala kayo rito ng mga isdang inyong nangahuli ngayon.

11 Umahon nga si Simon Pedro, at hinila ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, na isang daan at limangpu at tatlo, at sa ganoong karami ay hindi napunit ang lambat.

12 Sinabi sa kanila ni Jesus, Magsiparito kayo at mangagpawing gutom. At sinoman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, Sino ka? sa pagkaalam na yaon ang Panginoon.

13 Lumapit si Jesus, at dinampot ang tinapay, at sa kanila'y ibinigay, at gayon din ang isda.

14 Ito'y ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y magbangon sa mga patay.

15 Kaya't nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero.

16 Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa.

17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagka't sa kaniya'y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig; nguni't pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.

19 Ito nga'y sinalita niya, na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin.

20 Si Pedro, paglingon, ay nakita yaong alagad na iniibig ni Jesus na sumusunod; na siya ring humilig sa kaniyang dibdib sa paghapon, at nagsabi, Panginoon, sino ang sa iyo'y magkakanulo?

21 Pagkakita nga ni Pedro sa kaniya ay nagsabi kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito?

22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin.

23 Kumalat nga ang sabing ito sa gitna ng mga kapatid, na ang alagad na yaon ay hindi mamamatay: gayon ma'y hindi sinabi ni Jesus, sa kaniya na hindi siya mamamatay; kundi, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo?

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at sumulat ng mga bagay na ito; at nalalaman namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

25 At mayroon ding iba't ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.